“PLEYSTEYSHUNAN”, namimiss ko na ang alingasaw mo.
Noong bata ako madalas akong kumupit ng barya sa pitaka ng nanay ko para ipang-bayad sa laruan ng playstation 1. Wala akong sariling playstation kayagaya ng karamihang bata sa lugar namin, itinuturing kong pangalawang tahanan ang “pleysteyshunan”. Bente ang bawat isang oras. Libre lang ang manuod ‘pag wala kang nakupit na pera pero galit ang nagbabantay sa mga batang sinusundo ng nanay. May dalawang malaking TV na tinatapatan ng dalawang kulay grey na playstation o “PS”. Sa kwartong iyon matatagpuan ang nagsama-samang bata na magbabayad ng bente pesos para matustusan ang pananabik ng kanilang mga kamay sa pagkalikot ng joystick. Sa kwartong iyon natitipon ang mga batang hahamakin ang lahat makamit lang ang isang trono sa tapat ng TV.
Paglipas ng isang dekada, lubog na sa pozo negro ng panahon ang playstation. Ang konsepto ng pleysteyshunan ay isang mito na lang na hindi na pwede balikan. Ang bente-isang-oras na laruan ay napalitan na ng naglipanang wifi spots at internet cafes. Sinundan na ng playstation ang landas ng plantsang de-uling. Tinabunan na ng mga Quad-core computers, Macbooks, at laptops ang noo’y ginintuang laruan ng mga kabataan. Pare-pareho lang ng landas ang kinabagsakan nilang lahat – family computer, Mario Bros, Game Boy, Tamagotchi, Beeper…
Ang hirap. Mas masakit pa pala sa mapait ’yung matamis na ala-ala. Kasi mas mahirap harapin na hindi mo na pwede ibalik ang dati. At hindi gaya ng mapait na ala-ala na naglalaho paglipas ng panahon, ang matamis na ala-ala, mas bumabaon ang tusok sa bawat lumilipas na kahapon.